^

Punto Mo

Kailangang kanin lamang ang kainin

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Noong maliliit pa tayong bata, madalas tayong pinapaalalahanan ng mga matatanda na huwag maaksaya sa kanin na ang karaniwang katwiran ay maraming ibang tao ang nagugutom o walang makain. “Mapalad ka at meron kang kinakain gayong ang iba ay wala,” ang pangaral sa mga bata para simutin nila ang pagkain sa kanilang plato at huwag magtira ng anuman tulad ng kanin. Puwede ring rason dito ang kahirapan ng buhay lalo na sa mga Pinoy na napakaliit lang ng kinikita o halos walang kinikitang pera.

Gayunman, may mga Pinoy na malakas kumain ng kanin. Maaaring walang naaksaya pero halos gabundok ang kanin sa kanilang plato o nakakadalawang plato ng kanin o mahigit pa na nagkakaroon ng implikasyon sa kanilang kalusugan.

“Be RICEponsible” naman ang tema sa paggunita ng National Rice Awareness Month ngayong Nobyembre na pinangungunahan ng Department of Agriculture at ng kakabit nitong ahensiya na Philippine Rice Research Institute (PhilRice). Sa kampanyang ito na isa ring pagsuporta sa mga local na magsasaka, hinihimok ng DA at ng PhilRice ang mga konsyumer na Pilipino na huwag mag-aksaya ng kanin.

Sinabi ni DA-PhilRice Deputy Executive Director for Development Dr. Karen Eloisa Barroga sa ulat ng Philippine Information Agency na, sa naturang kampanya, hinihikayat nila ang mga mamamayang Pinoy na “kainin lang ang kailangang kaining kanin.

Nadidiin sa naturang kampanya ang sinasabing pagiging maaksaya nang maraming tao sa kanin. Sinasabi ni Barroga na dalawang kutsarita ng kanin ang sinasayang ng bawat tao bawat araw na umaabot sa P7 milyon kada taon. Sapat na aniya ang halagang ito para magpakain ng 2.5 milyong Pilipino. Inihalimbawa niya na, sa mga handaan sa mga piyesta, napakaraming kanin ang nasasayang dahil ang mga tao ay napakaraming kanin ang sinasandok na hindi naman nila nauubos lahat.

Matagal na ring isinusulong ng DA-PhilRice na ang mga restawran, fastfood, carinderia at ibang mga kainan ay magsilbi lang sa kanilang kustomer ng kalahating tasa ng kanin sa halip na buong tasa. Nakasanayan na kasi at naging pamantayan sa mga food outlet ang pagsisilbi ng isang buong tasa ng kanin na tinatayang umaabot sa 200 gramo. Ang kalahating tasa ng kanin na 100 gramo ay nagtataglay ng 103 calories.

Ayon kay Hazel Antonio, hepe ng development communication division ng PhilRice, sa ulat ng Gulf News na meron nang umiiral na 46 na ordinansa sa maraming lunsod at bayan tulad sa Quezon City, City of Manila, Puerto Princesa City, Davao City, Cebu City, Baguio City, at Iloilo City na nagmamandato sa mga restawran na magsilbi ng kalahating tasa ng kanin bawat order. Sinabi rin ni ni Antonio na ang mga nasasayang na kanin ay umaabot sa 10 gramo bawat tao o tinatayang 384,000 metric tons taun-taon.

Malakas namang kumain ng kanin ang maraming Pilipino kaya kung pagbabatayan ang sinasabi ng DA-PhilRice, nakakapagtaka na meron pa ring naaaksayang kanin. Sabagay, merong mga tao na, kahit malakas sa kanin, meron pa ring mga natitira sa kanilang mga plato. Ito yung tinatawag na mga mumo. Tungkol naman sa patakaran sa kalahating tasa, tila hindi ito problema sa mga malakas sa kanin dahil puwede naman silang umorder uli ng isa pang kalahating tasa na kapag naubos ay makakabili na naman sila ng bagong kalahating tasa.

Nariyan din ang unli rice na nauso sa maraming fastfood outlet at ibang kainan na ang mga kustomer ay nakaoorder ng kahit ilang tasang libreng kanin. Ang tanong nga lamang dito, nauubos ba talaga nila ang kanin o meron ding natitira sa kanilang plato?

• • • • • •

Email: [email protected]

vuukle comment

RICE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with