Karahasan at loose firearms kailangang tutukan!
MAS lalong tututukan ng Philippine National Police (PNP)-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kanilang operasyon laban sa mga loose firearms.
Nitong nakalipas na mga linggo, mukhang dumadale na naman ang mga kriminal at gamit ang mga kalat na hindi lisensiyadong baril.
Bukod nga dyan eh, umaarangkada na naman ang mga riding-in-tandem criminals. Ilang mga patayan na naman ang naitatala na sangkot ang mga ito.
Isa pa nga sa nakakaalarma dyan, eh nalalapit na ang pagsasagawa ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Ngayon pa lang nagsisimula na naman ang mga karahasan.
Noon lamang nakaraang linggo, isang barangay captain sa Bulacan ang inambus at napatay.
Kailangan talagang paigtingin ang operasyon laban sa mga kumakalat na armas na pinaniniwalaang nagagamit na rin ng ilang politiko para sa kanilang mga private army.
Nito ding nakaraang linggo isang mayor sa Batangas at dalawa nitong utol ang nahulihan ng matataas na kalibre ng baril at meron pa ngang pampasabog.
Tiniyak nga ni CIDG Director BGen. Romeo Caramat na wala silang sisinuhin at sinumang lalabag sa batas ay kanilang pananagutin kahit na sino o ano pa man ang katayuan nito.
Sa datos ng PNP, mula Enero hanggang June 9, 2023 umabot na sa 12,373 na mga baril ang kanilang nakumpiska sa iba’t ibang panig ng bansa.
Libu-libo na sa loob lamang ng ilang buwang operasyon, pero lubhang marami pa rin ang nakakalat na dapat na matutukan nang husto para sa peace and order sa kapuluan at mawala ang pangamba at takot muli ng ating mga kababayan.
- Latest