^

Punto Mo

Balik-buwan kasado na!

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

PAGKARAANG maantala nang dalawang buwan at kalahati, natuloy din nitong Nobyembre 17, 2022 ang paglipad mula sa Kennedy Space Center ng National Aeronautics Space Administration sa Florida, United States nang itinuring na pinakamalakas na rocket sa mundo na tinatawag na Space Launch System (SLS) kasama ng Orion Space Capsule. Magsasagawa ito ng pag-ikot sa buwan bago muling babalik sa daigdig sa susunod na buwan.  Ito ang unang yugto ng Artemis program na naglalayong magpabalik ng mga astronaut at magtayo ng  permanenteng base ng tao sa buwan na inaasahang magiging lunsaran ng hinaharap na misyon patungo sa planetang Mars.

Wala pang lulan na tao ang Orion capsule pero may dala itong mga manika at ibang mga teknolohiya na magsusuri sa epekto sa tao nang mahabang biyahe sa kalawakan. Sinasabi ng mga kinauukulan na kapag nagtagumpay ang unang misyon, isusunod ang pangalawang misyon ng programa sa Mayo 2024, ang Artemis II na ang Orion spacecraft ay magsasakay na ng mga astronaut para sa pagsasagawa ng lunar flyby test sa orbit ng buwan bago babalik sa daigdig. Ito ang magiging pangalawang pagkakataong magpapadala na ng astronaut ang NASA sa buwan 50 taon pagkaraang matapos ang Apollo missions noong 1972.

Ang Artemis program na laman ng isang kasunduan na hanggang noong Hulyo 2022 ay nilagdaan ng 21 bansa kaya hindi naman ganap na nagsosolo rito ang NASA o partikular ang United States. Kasama na sa nakikipagtulungan dito ang mga space agencies at mga pribadong spaceflight companies at iba pang mga institusyon sa ibang mga bansa tulad ng Canada, Japan, Europe, United Kingdom, Brazil, South Korea at United Arab Emirates. Itinakda namang ilunsad ang Artemis 3 sa 2025 na sa pagkakataong ito ay lalapag na ang mga astronaut sa kalupaan ng buwan.  Susunod ang Lunar Gateway na magiging mini-space station sa orbit ng buwan at ang taon-taong pagtungo at pagtatayo ng base ng mga tao rito.

Isa lang sa mga nakalulungkot na realidad sa ganitong mga misyon sa kalawakan ay hindi naman lahat ng bansa o buong mundo ang nagkakaisang ganap dito. Nahahaluan din ito ng pulitika at ibang usapin. Sa Artemis program, hindi kasama ang Russia at China bagaman ang una ay matagal nang kaalyado ng U.S. sa ilang  mga space mission tulad ng sa International Space Station.  Pero takda na ring kumalas sa  ISS ang Russia na gagawa ng sarili nitong space station sa orbit ng mundo. Nagsosolo ang China sa mga naging misyon nito sa pagpapadala ng mga robotic spacecraft sa buwan at Mars at pagpapatayo ng sarili nitong space station sa orbit ng mundo at sa iba pang space program nito bagaman meron ding mga pagkakataong nakikipagtulungan ito sa Russia. May sarili ring plano ang China na magpadala ng astronaut sa buwan at Mars. Panahon lang ang makakapagsabi sa magiging hinaharap ng ganitong kasalukuyang senaryo. Meron namang umiiral na pandaigdigang tratado na nagdidiin na walang sino man o walang bansa sa Daigdig ang maaaring umangkin sa buwan at ibang mga planeta at ibang bagay sa kalawakan pero hindi pa nasusubukan kung maipatutupad ito o mahigpit na masusunod.

Pero sana, rin, kung muling tutuntong ang tao sa buwan sa kasalukuyang panahon, hindi lang bandila ng U.S. ang ititirik doon tulad ng ginawa ng mga unang astronaut na lumapag doon noong 1969. Kung talagang walang sinuman o walang bansa na maaaring makaangkin sa mga bagay-bagay sa labas ng daigdig alinsunod sa nabanggit na tratado!

 

Email: [email protected]

vuukle comment

SPACE CENTER

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with