^

Punto Mo

Teknolohiya at dangal ng tao

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

ISANG mahalagang katangian na nawawala sa modernong pamumuhay ay ang mahabang pasensya o pagiging matiyaga o pagiging kalmado at hindi pagsuko sa harap ng pagkabalam o mahabang proseso. Ang mahabang pasensya ay labis na pinahaha­lagahan ng mga pangunahing relihiyon na tulad ng Cristianismo, Buddhismo at Hinduismo.

Ayon sa mga sinaunang theologian na sina Thomas Aquinas at Saint Augustine, ang mahabang pasensya ay isang cardinal virtue, isang makalangit na katangian na pinagmumulan ng iba pang magagandang katangian. Ito’y isang panloob na lakas na lumalaban sa galit, pagkainip, at pagkasiphayo. Ang isang taong may mahabang pasensya ay hindi basta-basta sumusuko.

Nabubuhay tayo ngayon sa tinatawag na ‘‘instant culture.’’ Lahat ay minamadali at ginawang madali. Ang gusto ng tao’y mabilisan lahat--mabilis na kasiyahan, mabilis na teknolohiya, mabilis na resulta. Ang oras ay hindi lamang pinaikli, kundi siniksik. Hindi na masyadong pinahahalagahan ang mga bagay na pangmatagalan na tulad ng relasyon at trabaho. Ang ganitong kalagayan ay iniuugnay sa tumataas na kaso ng mga sakit sa pag-iisip.

Sa punto ng teknolohiya, sobra ang pagkakaiba ng mga baby boomers sa mga gen z na kung tawagin ay zoomers. Halimbawa: ang nakalakhang teknolohiya ng mga baby boomers ay ang typewriter. Napakahirap gumawa noon ng term paper. Kung kailangan ay apat na kopya, gagamit ka ng tatlong carbon paper na isisingit mula sa ikalawa hanggang sa ikatlong papel para magkaroon ng apat na kopya. Kaya isa lang ang magiging orihinal, at tatlo’y carbon copies. Kung magkamali sa pagta-type ay uulitin mula sa simula. Aksayado sa oras at papel, pero ganansya sa natututuhang pasensya. Ngayon, sa pamamagitan ng computer, napakadaling gumawa ng term paper, napakadaling mag-edit, may delete, may copy/paste, may iba’t ibang font, at kung magpi-print, kahit gaano karami puwede, at ang lahat ay orihinal.

Naalala ko noon, para mag-research, kailangang magtiyagang pumunta sa library, halungkatin ang mga index cards para masaliksik ang hinahanap. Kailangan talagang magsaliksik. Pero ngayon, sa isang pindot lang sa computer, sasagot na si Mr. Google. Lalo pa nga na may AI, aba, lahat ay gumaling sa pagsulat ng English!

Hindi masama ang teknolohiya, sapagkat katunayan ito ng pag-unlad. Ngunit hindi dapat hayaan ang makabagong teknolohiya na bawasan ang dangal ng tao. Halimbawa, ang pakikipaglaro ng bata sa kapwa bata ay hindi dapat mapalitan ng pakikipaglaro sa computer. Ang harapan at direktang pag-uusap ay hindi dapat mapalitan ng laging pag-uusap sa pamamagitan ng mobile phone. Ang mainit na sama-samang pagtitipon sa loob ng simbahan upang sambahin ang Diyos ay hindi dapat mapalitan ng malamig na livestream worship sa loob ng tahanan.

Higit sa lahat, ang magagandang katangian na tulad ng mahabang pasensya ay hindi dapat hayaang lamunin ng mga makabagong teknolohiya. Hindi dapat palitan ng teknolohiya ang mga human values. Tayo’y tao na binubuo ng katawan, puso, isip, at kaluluwa.

Maganda ang sinabi ni American author Mark Manson, «Nilutas ng teknolohiya ang mga dating problemang pang-ekonomiya, ngunit binigyan tayo ng mga bagong problemang sikolohikal. Binuksan ng internet ang malawakang pinagkukunan ng mga impormasyon, ngunit pinalawak din nito ang kawalan natin ng seguridad, ang pagdududa natin sa ating sarili, at ang ating pagkapahiya.»

Huwag nating hayaang agawin ng teknolohiya ang ating pagiging tao!

RELIHIYON

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with