Tres Queridas (48)
BAGO sila tuluyang lumabas sa sala ng kubo, bumaling si Celeste kay Aling Rosa.
“Aling Rosa... maaari po ba naming tignan ang mga resibo ng money remittances ni Carlo?” mahinahong tanong ni Celeste. “Kahit ang pinakahuling papel lang po.”
Bahagyang natigilan ang matanda. Nag-alangan ito ng ilang segundo, pero pumayag din ito. Lumapit si Aling Rosa sa isang lumang aparador na gawa sa narra sa gilid ng mesa, binuksan ang maliit na drober, at inilabas ang isang maliit na lata ng biskwit. Sa loob niyon, nakatabi ang ilang piraso ng kulay-rosas at puting papel, ang mga resibo ng money remittance na natanggap nila nitong mga nakaraang buwan.
Inabot ni Aling Rosa ang mga papel. “Bawat buwan, may dumarating na reference number sa cell phone ko, at kapag kinuha ko sa bayan, binibigay sa akin ang ganitong resibo.”
Kinuha ni Diana ang mga papel habang inilapit ni Celeste ang ilaw ng kanyang cell phone. Nanginginig man ang mga daliri, maingat na binuklat ni Diana ang mga resibo. Manipis at bahagyang pumuputi na ang ink sa thermal paper, ngunit malinaw pa rin ang mga nakatatak na detalye. Pinagtabi-tabi ni Diana ang tatlong pinakahuling resibo. Ang halaga, ang petsa, ang pangalan ng nagpadala, at ang originating branch, ang mismong lokasyon kung saan pinadadala ang pera sa Maynila.
“Tingnan mo ‘to, Celeste...” tawag ni Diana, itinuturo ang ibabang bahagi ng papel.
Lumapit si Celeste at kumunot ang noo.
“Hindi ito pinadala gamit ang online banking o e-wallet” sabi ni Diana. “Over-the-counter transaction ito. Mismong tao ang pumunta sa branch para magpadala ng cash.”
Sa tatlong magkakaibang resibo na ipinadala sa tatlong magkakasunod na buwan, sa iisang branch lang pinadala ang pera: sa isang maliit na remittance outlet sa commonwealth sa Quezon city.
“Nagpapadala siya ng pera nang personal,” konklusyon ni Celeste, habang dahan-dahang nagpapakawala nang malalim na paghinga. “Hindi siya gumagamit ng mga apps para hindi ma-trace ng banko. Pumupunta siya mismo sa branch tuwing huling Biyernes ng buwan.”
“Ibig sabihin...” pagpapatuloy ni Diana, “...may regular na ruta si Carlo sa Maynila. Hindi siya basta nagtatago sa dilim; may mga lugar siyang pinupuntahan sa kanyang mga nakasanayang oras.” (Itutuloy)
- Latest















