^

Kaninong tinig ang tinig ng Diyos?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - July 18, 2020 - 12:00am

“VOX Populi, Vox Dei,” ang tinig ng mamamayan ay tinig ng Diyos. Naging popular ito noong 1709, ngunit patuloy na ginagamit hanggang sa ngayon, lalo na ng mga pulitiko. Ito ang ikinatwiran ng 70 kongresista na nagbasura sa aplikasyon ng ABS-CBN para sa 25-taong prangkisa. Dahil sila raw ang kinatawan ng bayan, ang tinig nila’y tinig ng mamamayan. At ang tinig ng mamamayan ay tinig ng Diyos.

Sa ilalim ng ating sistema, totoong ang Kongreso ang itinuturing na kinatawan ng mga mamamayan. Ang tawag nga natin sa Kongresista ay Kinatawan. Pero kung gusto nating makuha ang tunay na tinig ng buong Kongreso, hindi ba dapat ang nagpasya nito’y ang lahat ng 304 na Kongresista?

Ang tinig ba ng 70 Kongresista ay tinig ng mga mamamayan?  Isa sa scientific na pamamaraan ng pagkuha ng tinig ng mamamayan ay ang mga surveys. Isa sa pinagkakatiwalaang research institute ay ang Social Weather Stations (SWS).  Pagkatapos na ibasura ng House Committee on Legislative Franchises ang aplikasyon ng ABS-CBN, nagsagawa ang SWS ng survey na ganito ang tanong, “Sang-ayon ka ba o hindi na ang hindi pag-renew ng Kongreso sa prangkisa ng ABS-CBN ay isang malaking dagok sa kalayaan ng pamamahayag?” 56% ang nagsabing ito’y isang malaking dagok sa kalayaan ng pamamahayag; 27% ang nagsabing hindi, at 15% ang hindi makapagpasya. Sabi ng 70 kongresista na nagbasura sa aplikasyon ng ABS-CBN, wala itong kinalaman sa kalayaan sa pamamahayag. Sabi ng 56% ng mga Pilipino, may kinalaman ito. Ang tanong: Totoo bang kinakatawan ng 70 kongresista ang tinig ng mga mamamayan?

Isa pang survey ang ginawa ng SWS sa kasagsagan ng pagdinig sa aplikasyon ng ABS-CBN, ganito ang survey: “Dapat bang i-renew ng Kongreso ang prangkisa ng ABS-CBN upang muli nitong maipalabas ang kanyang mga programa? 76% ng mga tinanong ay nagsabing dapat na i-renew; 13% ang nagsabing hindi dapat; at 10% ang hind makapagpasya. Sabi ng 70 kongresista, hindi dapat i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN. Sabi ng 76% ng mga Pilipino, dapat i-renew. Ang tanong: Totoo bang kinakatawan ng 70 Kongresista ang tinig ng mga mamamayan?

Napatunayan sa dalawang SWS surveys na ang tinig ng 70 kongresista ay hindi kumakatawan sa tinig ng mga mamamayan. Dati, ang mga SWS surveys na nagpapakita sa magandang imahen ni Presidente Duterte ay kaagad niyayakap ng Malacanang. Pero sa dalawang surveys na ito na nagpapakita sa pagtutol ng napakalaking porsiyento ng mga Pilipino sa pagbasura ng Kongreso sa aplikasyon ng ABS-CBN sa bagong prangkisa, ang tanging winika ni Presidential Spokesperson Harry Roque ay “noted.”

Vox Populi, Vox Dei. Ibig sabihin, ang tinig ng Diyos ay naipakikita sa tinig ng mga tao. Ang tinig ng Diyos ay naghahayag sa Kanyang kalikasan. Kung sino ang Diyos ay nakikita sa Kanyang sinasabi, hindi katulad ng tao na maaaring ang sinasabi ay hindi nagpapakita sa tunay niyang pagkatao.

Maaari lamang nating tanggapin na ang tinig ng tao’y tinig ng Diyos kung ang tinig na iyon ay sumasang-ayon sa kalikasan ng Diyos na banal, makatarungan, mapagmahal sa mahihirap, walang kasinungalingan, walang pagsasamantala at walang pagkukunwari. Tagubilin ng Diyos sa Isaias 1:17, “Matuto kayong gumawa ng mabuti; inyong hanapin ang katarungan; inyong ituwid ang paniniil…”    

DIYOS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with