EDITORYAL – Ibawal ang e-cigarettes
(Pang-masa) - November 1, 2019 - 12:00am

NARARAPAT suportahan ang balak ng Department of Health (DOH) na ipagbawal ang electronic cigarettes. Ang e-cigarettes na tinatawag ding vape ay isang aparato na nagpapasingaw ng isang solusyon at ito ang sinisinghot ng mga gumagamit. Iba’t iba ang flavor ng solution na mapagpipilian ng mga gumagamit. Ang vape ang ipinalit mula nang tumaas ang presyo ng sigarilyo dahil sa excise tax. Mas mura umano ito kaysa sa sigarilyo.

Subalit babala ng DOH sa mga gumagamit ng vape, mapanganib ito sa kalusugan. Mapanganib hindi lamang sa mga gumagamit nito kundi pati na rin ang mga nakalalanghap ng second hand smoke. Sabi ng DOH, posibleng magdulot nang malubhang sakit sa baga ang paggamit ng e-cigarettes.

Kamakailan, naiulat na marami nang kaso ng pagkakasakit ang naitala dahil sa paggamit ng e-cigarettes. Sa report, 26 ang namatay at 1,299 ang nagkasakit dahil sa paggamit nito. Mabilis umano ang pagkakasakit ng mga indibidwal na gumamit ng vape at patuloy na iniimbestigahan ito. Sa loob lamang umano ng 90-araw na paggamit ng vape ay marami na agad nagkasakit at ang nakapagtataka ang mga gumamit ay dati namang malusog ang pa-ngangatawan. Pawang mga kabataan ang nakitaan ng sakit kaugnay sa paggamit ng e-cigarettes.

Sabi ni DOH Sec. Francisco Duque III, kumpara sa sigarilyo, mas matindi ang nakalalasong kemikal na nakahalo sa e-cigarettes. Panawagan ng Health secretary, itigil na ang paggamit ng e-cigarettes sapagkat hindi ito mabuti sa katawan. Huwag na umano itong subukan ng mga kabataan at mahigpit ding ipinagbabawal sa mga buntis.

Isa sa pinaka-epektibong paraan para huwag tangkilikin ang e-cigarettes ay itaas ang buwis nito. Kapag itinaas ang tax, tiyak na tataas din ang halaga nito at mapipilitan na huwag nang gumamit. Ganito ang nangyari nang itaas ang excise tax ng sigarilyo noong nakaraang taon. Ayon sa report, mula nang itaas ang buwis sa sigarilyo nabawasan ang mga nagyoyosi dahil sobrang taas ng presyo. Nagmistulang ginto ang bawat stick. Ganito ang gawin sa e-cigarettes para itakwil din ito.

ELECTRONIC CIGARETTES
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with