EDITORYAL - Deadline para sumuko si Bato, tinuldukan na
NATAPOS na ang taning na ibinigay ng Philippine National Police (PNP) kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa para sumurender. Sa kabila nito, sinabi ng PNP na magpapatuloy pa rin ang kanilang paghahanap kay Bato kahit tapos na ang deadline.
Si Bato na may nakapatong na P50 milyon reward sa sinumang makapagtuturo rito ay may warrant of atrest mula sa International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong crime against humanity. Anim na buwan na absent sa Senado si Bato at nagpakita lamang noong Mayo 13, 2026 subalit nang aarestuhin na siya ng NBI, nagkaroon ng kaguluhan sa Senado na humantong sa barilan.
Kasunod ay ang pagtakas ni Bato noong madaling araw ng Mayo 14. Nakita sa CCTV na sumakay ito sa SUV ni Sen. Robin Padilla. Sabi ni Padilla, nakisakay lamang umano sa kanya si Bato. Hindi na nakita ang senador mula noon. Walang makapagsabi kung saan siya nagtatago. Umapela naman ang Malacañang na sumuko na si Bato para maiwasan ang pagdanak ng dugo.
Sa pagtatapos ng taning sa pagsurender ni Bato, lumilitaw ang tanong: ano nga ba ang saysay ng ultimatum kung pareho rin naman ang mangyayari bago at pagkatapos nito? Ang deadline ay dapat may malinaw na layunin. Kung boluntaryong pagsuko ang hinihingi, dapat malinaw kung ano ang susunod na hakbang kapag hindi ito nasunod.
Kung tuloy lang din ang operasyon, nagmumukhang public pressure lamang ang ultimatum kaysa mahalagang bahagi ng law-enforcement strategy.
Hindi naman ibig sabihin nito na dapat gumamit agad ng dahas. Tama lamang na unahin ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang anumang komprontasyong maaaring mauwi sa karahasan. Pero dapat ding malinaw at organisado ang enforcement.
Sinabi ng PNP na nireorganisa na nito ang task force, nagtalaga ng dedicated teams sa bawat rehiyon at pinalakas ang intelligence monitoring. May 24-hour hotline rin para sa mga tip mula sa publiko, na patuloy umanong bini-verify.
Ito ang mas mahalagang sukatan kaysa deadline: kung gumagana ba ang intelligence, koordinasyon at aktuwal na operasyon. May P50-million bounty na rin para sa impormasyong hahantong sa pagkakahuli ni Bato.
Ngunit kung may malaking reward, task force, regional teams at intelligence monitoring na, mas lalong inaasahan ng publiko ang malinaw na resulta at paliwanag kung paano umuusad ang manhunt.
Sa law enforcement, hindi sapat ang matapang na deadline kung wala itong malinaw na epekto. Ang tunay na sukatan ay hindi kung ilang ultimatum ang ibinigay, kundi kung gaano kaepektibo at naaayon sa batas ang pagpapatupad nito.
- Latest


















