Pizza, idineliber sa layong 362 km para sa cancer patient

ISANG restaurant sa Michigan na karaniwan ay hindi naman nagdedeliber ang naghatid ng pizza sa layong 362 kilometro para sa isang cancer patient at asawa nito.

Nahilig ang mag-asawang Julie at Rich Morgan sa Steve’s Pizza noong nakatira pa sila sa Battle Creek, Michigan higit dalawang dekada na ang nakakaraan.

Ngayong nakatira na sila sa Indiana ay nagplano silang dayuhin ang restaurant para sa kaarawan ni Julie Morgan nitong nakaraang Setyembre, ngunit sa kasamaang palad ay hindi ito natuloy dahil naospital si Rich Morgan sa Indianapolis dahil sa cancer.

Naisipan tuloy ng ama ni Julie Morgan na tawagan ang Steve’s Pizza kaya nakausap niya ang 18-anyos na empleyado ng restaurant na si Dalton Shaffer, na hindi nag-dalawang isip sa 362-kilometrong biyahe upang maihatid ang pizza sa mag-asawang Morgan.

Nang makausap si Shaffer ay sinabi nitong gusto lang niyang mapasaya ang mag-asawa kaya hindi siya nag-atubiling maglakbay ng napakalayo para lang maideliber sa kanila ang pizza.

Agad namang kumalat ang kagandahang loob ni Shaffer matapos i-share ni Julie ang buong kuwento sa social media.

Show comments