Simbahan sa Mexico, biglang lumitaw mula sa ilalim ng tubig
ISANG 400-taong gulang na simbahan mula sa Mexico ang biglang lumitaw muli mula sa ilalim ng isang reservoir sa Chiapas, Mexico.
Nasa 82 talampakan na ang ibinaba ng tubig sa reservoir dahil sa matinding tagtuyot. Ito ang dahilan kung bakit muling nasilayan ang sinaunang simbahan na nalubog sa tubig mula nang itayo ang dam sa lugar.
Ayon sa mga pag-aaral ng mga mananaliksik, itinayo ang simbahan ng mga conquistador mula Espanya noon pang 1540s. Sinasabing ang unang Obispo ng Chiapas na si Bartolome de la Casas at ang kanyang mga kasamang pari ang nagpasimula sa pagpapatayo ng simbahan.
Aabot ng 30 talampakan ang taas ng mahiwagang simbahan noong ito ay hindi pa nasisira dahil sa pagkalubog sa tubig. Maituturing itong isang malaking simbahan dati dahil nasa 182 talampakan ang haba nito samantalang nasa 42 talampakan naman ang kanyang lapad.
Taong 1966 nang tuluyan nang napunta sa ilalim ng tubig ang simbahan nang itayo ang Nezahualcoyotl dam. Ang pag-litaw nito kamakailan ang ikalawang beses na ang simbahan ay nakita muli ng mga tao simula nang mabura ito sa mapa. Ang una ay noong 2002 nang makaranas din ng matinding tagtuyot ang lugar na naging sanhi ng lubhang pagbaba ng lebel ng tubig sa dam. Sa sobrang pagbaba ng tubig noon ay nagawa pa ng mga tao na puntahan mismo ang simbahan at libutin ang loob nito.
- Latest