Vending machine sa Amerika, kotse ang iniluluwa
NGAYON ay hindi na lamang mga candy at tsitsirya ang mabibili mula sa isang vending machine dahil isang kompanya sa Tennessee , USA ang nagtayo ng isang higanteng vending machine na sasakyan ang iniluluwa.
Kasinlaki ng isang 5-storey building ang vending machine na itinayo ng kompanyang Carvana at nasa 20 kotse ang kayang gumarahe sa loob nito.
Gumagana ang vending machine ng Carvana sa pamamagitan ng isang espesyal na “barya” na inihuhulog ng mamimili sa coin slot. Pagkahulog ng barya ay saka iluluwa ng higanteng vending machine ang kotseng napili ng customer.
Nakakapili ng modelo ng kotse ang mga bumibili sa Carvana sa pamamagitan ng kanilang website na idenedetalye ang itsura at kondisyon ng mga sasakyan na kanilang mga ibinebenta, na pawang mga second-hand. Wala namang kailangang ikatakot ang mga customer dahil nakalahad sa kanilang website ang lahat ng detalye ukol sa kanilang sasakyang bibilhin.
Ayon sa kompanya, malaki ang kanilang natitipid dahil sa mala-vending machine na sistema na kanilang ipinatupad. Naipapasa rin nila ang kanilang natitipid mula sa hindi pagpapasuweldo ng mga salesman sa mga mamimili kaya naman nakakamura ng humigit-kumulang $2000 o katumbas ng halos P100,000 ang kanilang mga customers sa presyo ng sasakyang kanilang bibilhin.
Plano ng Carvana na magtayo ng ilan pang mga vending machine para sa kotse dahil naniniwala silang ang pagiging simple ng kanilang paraan ng pagbebenta ng kotse ang magiging bentahe ng kanilang kompanya kumpara sa ibang dealers ng mga second-hand na sasakyan.
- Latest