Manong Wen (40)
“NAISANGLA raw ang lupa nang magkasakit ang kanyang ina. Wala naman daw ibang tutubos nun kundi siya dahil siya lamang ang nagtatrabaho sa abroad. Sayang daw ang lupa dahil minana pa raw iyon ng kanyang ina sa mga magulang nito. Hanggang sa makita kong tumulo na ang luha ni Gemma. Umiyak na siya…’’ sabi ni Jo at tumingin kay Princess.
“Ano po ang ginawa mo, Mang Jo?”
“Naawa ako. Likas naman akong maawain, mapagbigay at saka engot,” sabi at napangiti nang pilit si Jo.
“Napakabait mo po pala talaga.’’
“Binigyan ko ulit nang pera si Gemma. Sabi ko tubusin na ang lupa na nakasangla.’’
Hindi na naman makapaniwala si Gemma. Lalo na nang iabot ko ang pera --- dollar pa na ang halaga ay mahigit P100,000.’’
“Bakit po napakarami mong pera, Mang Jo?”
“May sideline kasi ako noon. Nagsa-sideline akong typist-encoder sa isang textile shop sa Batha. Araw-araw ay may kita akong 100 riyal. Iniipon ko yun.’’
“Masipag ka po pala at masikhay.”
“Oo. Kaya mayroon akong malaking pera at iyon ang ibinigay ko kay Gemma.’’
“Ano po ang nangyari nang maibigay mo ang pera sa ka-live-in mong si Gemma?”
“E di ipinadala agad niya. Bank to bank daw.’’
“E di tapos na po ang problema?”
“Mas lalong nagkaroon ng problema.’’
“Bakit po?”
“Dahil ako ay dakilang engot. Kung may pinaka-engot sa mundo, ako yun.”
“Bakit po?”
“Nakakahiyang sabihin pero dahil nasimulan ko na ang tungkol sa kaengotan ko, sasabihin ko na.’’
Naghihintay si Princess. Nasasabik siya. Gusto niyang malaman ang nangyari kay Mang Jo at sa ka-live-in na si Gemma.
(Itutuloy)
- Latest