Ang ‘fan’ at ang ‘idol’

ANG dalawang tauhan sa aking kuwento ay pawang mga sikat na manunulat sa kasalukuyang panahon.

Si Ernest ay sikat na kuwentista sa iba’t ibang babasahing Pilipino. Minsang papalabas na siya mula sa publication office, isang tinedyer na lalaki ang lumapit sa kanya. Nagpakilala itong tagahanga at tagasubaybay ng lahat ng kanyang isinusulat na nobela sa mga babasahin. Nakipagkamay ito at nakipagkuwentuhan sandali. Si Ernest, sa kabila ng pagiging sikat ay nanatiling mapagkumbaba. Ang kuwentuhan ay nauwi sa question and answer portion kung saan ang tinedyer ay pasimpleng nagta­tanong ng tips tungkol sa pagsusulat ng kuwento. Ang tinedyer pala ay bago pa lang nag-uumpisang magsulat. Estudyante ito sa kolehiyo at kaya siya naroon sa publication office ay magsa-submit ito ng kuwentong sinulat niya.

Isang araw ay tinawagan si Ernest ng kanyang kaibigan na isa rin manunulat. Anya, “Pare, kilala mo ba si ____ (pangalan ng tinedyer na fan niya)?”

Saglit na nag-isip si Ernest. Bigla niyang naalala yung patpating estudyante na kumausap sa kanya sa publication office.

A, oo, bagong kakilala... bakit ?

Naku, binabanatan niya ang mga sinulat mong kuwento. Pinipintasan ang nobela mong tumatakbo ngayon sa ____ (isa sa mga babasahing pinagsusulatan niya).

Nagtawa si Ernest.

Ha? Lokong ’yun ah! Halos lumuhod at mag-antanda sa akin noong kinakausap ako, tapos bola lang pala yung sinabi niyang idol daw niya ako. Saan mo nabasa?

Sa college paper nila. Manunulat pala doon.

Sikat pa rin si Ernest hanggang ngayon. Ang kanyang “fan” kuno ay isa na rin sikat na manunulat. Mas sikat siya ngayon kaysa kay Ernest. Totoo ang kasabihan na hindi lahat ng ngumi­ngiti sa iyo ay gusto ka. Nginingitian ka lang para makalapit sa iyo… makakuha ng impormasyong gagamitin niyang hagdan  para siya umasenso. Kung minamalas-malas ka, ang impormas­yong nakuha sa iyo ay gagamitin ding bala para ka matalo.

Show comments