Mister diniborsiyo ang misis pagkaraan ng 77-taon nilang pagsasama

ISANG lihim ang nadiskubre ni Antonio C., 99, ng Italy sa kanyang asawang si Rosa, 97. Ang lihim na ito ang naging dahilan para idiborsiyo ang kanyang asawa na nakasama niya sa loob ng 77-taon.

Naghahalungkat si Antonio ng mga lumang papeles sa kanilang drawer sa basement ng kanilang bahay nang ma­diskubre ang mga love letter ng isang lalaki na ipinadala kay Rosa noong 1940’s. Nakasaad sa sulat ang mga maiinit na pagmamahalan ng dalawa.

Hindi maipaliwanag ang sakit na naramdaman ni Antonio. Pagkaraan nang matagal na panahon ay nalantad ang lihim ng asawa na minahal niya nang labis.

Ang pangyayaring iyon ang naging dahilan para mag-file ng diborsiyo si Antonio. Siya ang itinuturing na pinaka-matandang nag-file ng diborsiyo. Ang mag-asawa ay may limang anak, 12 apo at isang apo sa tuhod.

Noong 2009, mayroong 98-anyos na mag-asawa na nag-file ng divorce sa UK. (Hinango sa internet)

Show comments