Alok na P100 milyon kapalit ng panalo sa eleksiyon, scam lang
MANILA, Philippines — “Huwag maniwala sa mga taong nag-aalok sa kanila ng panalo sa eleksiyon, kapalit ng pagbabayad ng cash na mula P50 milyon hanggang P100 milyon.”
Ito ang ibinunyag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia kaya’t pinag-iingat ang mga kandidato sa nalalapit na 2025 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Garcia na nakatanggap sila ng mga ulat na may mga taong nag-iikot sa buong bansa at nanloloko ng mga kandidato o prospective candidates na hinihikayat nilang magbayad ng malaking halaga, kapalit ng tiyak na panalo sa halalan.
Modus operandi umano ng mga naturang indibidwal na magpanggap na may kakilala sila sa loob ng Comelec at kung magbabayad sila ng milyun-milyong piso ay makasisigurado silang mananalo sa halalan.
Hinikayat din niya ang mga kandidato na huwag maniwala sa mga naturang indibidwal at sa halip ay kaagad na ipaaresto ang mga ito.
Tiniyak rin naman ni Garcia sa publiko na walang paraan upang madaya ang resulta ng halalan dahil may mga pamamaraan ang mga bagong makina na gagamitin sa halalan upang ma-countercheck kung magkakaroon ng ‘pagbabago’ ng resulta.
- Latest