Sunog sumiklab sa Maynila: 2 patay!
MANILA, Philippines — Patay ang dalawa katao nang sumiklab ang sunog sa isang residential-commercial building nitong Sabado ng umaga sa Maynila.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, nasawi ang isang 63-anyos na lalaki at 6-anyos na batang lalaki na kapwa ‘di pa pinangalanan.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nagsimula ang sunog bago mag-alas-5 ng umaga kahapon sa Barrio Kapampangan cor. Pedro Gil St. sa Brgy. 869, Sta. Ana.
Agad na inakyat ang sunog sa unang alarma.
Sinabi ni FO4 Joel Jacinto, Sub-station commander ng BFP Sta. Ana Fire Station na dinatnan nilang nasusunog na ang ikalawa hanggang ikatlong palapag ng gusali.
Batay sa pahayag ng isang empleyado, puro tindahan ang unang palapag, stockroom ang pangalawa at tulugan ang ikatlong palapag.
Rumesponde ang mga bumbero para maapula ang apoy na idineklarang fire out bago alas-7 ng umaga. Umakyat pa sa bubong ng katapat na gusali ang mga bumbero para mapabilis na maapula ang apoy. Sinabi ng isang residente, nakita nilang bumalik sa loob ng gusali ang matandang biktima matapos lumikas.
“Paglabas ko po sobrang lakas na. ‘Yung lalaki pinababa namin ‘yung may-ari, hindi namin alam na umakyat ulit. Hindi ko alam bakit umakyat ulit. Baka po apo niya. Naiwan siguro doon,” sabi ni Leo Olasiman.
Nasa tatlong pamilya ang apektado ng sunog habang hindi naman nadamay ang mga katabing gusali at bahay.
Pansamantalang manunuluyan sa covered court ng barangay ang mga nasunugan. Iniimbestigahan pa rin ng BFP ang pinagmulan ng sunog.
- Latest