Pangulong Marcos sa DMW: 20 Pinoy sa Red Sea attack, tulungan
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Migrant Workers (DMW) na tulungan ang pamilya ng 20 Filipino mariners na apektado ng Red Sea attacks.
Sinabi ng Pangulo na dapat siguruhin na matutugunan ng gobyerno ang mga pangangailangan ng naturang mga pamilya.
Ayon naman kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, agad siyang tumalima sa kautusan ng Pangulo at hawak na nila ang mga pamilya ng mga marino.
Nauna nang tinangay ng Iranian authorities ang tatlong Filipino seafarers na sakay ng container ship MSC Aries habang 17 Filipino seafarers naman ang tinangay ng Houthi rebels nang umatake sa Red Sea.
Nilinaw naman ni Cacdac, na ligtas naman ang mga Filipino seafarers at tuloy ang komunikasyon sa kani-kanilang mga pamilya.
Katunayan, tatlo aniya sa mga Filipino seafarers na sakay ng MSC ay makauuwi na sa kani-kanilang pamilya habang ang 17 Pinoy crew na nasa Galaxy Leader ay nasa stable condition.
Nagpasalamat si Cacdac sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa suporta para nailigtas ang mga Filipino seafarers.
- Latest