2 SAF sa escort raket sa Chinese, inilagay sa restrictive custody
MANILA, Philippines — Inilagay na sa restrictive custody ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ang dalawa nilang tauhan na sangkot sa escort raket ng isang Chinese national.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, ito’y makaraang ipag-utos ng Muntinlupa City Prosecutor’s Office ang pagpapalaya kina Cpl. George Mabuti at Pat. Roger Valdez sa Muntinlupa City Police Station habang nagsasagawa ng imbestigasyon.
Matapos na makalaya sa kulungan ang mga sangkot na pulis ay agad itong ipinasundo ng liderato ng SAF para dalhin sa kanilang punong tanggapan sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna.
Matatandaang nabisto ang “raket” ng dalawang SAF commando matapos magsuntukan sa Ayala Alabang Village sa Muntinlupa City noong May 18.
Sina Mabuti at Valdez ay nagsisilbing escort ng mga Chinese official ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO). Mahaharap din sa kasong administratibo ang pitong opisyal kabilang ang battalion commander, company commander at platoon leader.
- Latest