Nueva Ecija Mayor, VM at 2 konsehal kinasuhan ng graft
MANILA, Philippines — Kinasuhan ng graft sa Office of the Ombudsman ang alkalde, bise alkalde at dalawang incumbent na konsehal ng Cabiao, Nueva Ecija.
Sa 54-pahinang reklamong isinampa nina Councilor Julito “Jumar” Wycoco at indie film director Noel Montano, na kilala sa social media bilang “El Tarik”, sina Cabiao Mayor Ramil B. Rivera, Vice Mayor Marcelino Simbillo, Councilor Rav Kevin Rivera, dating Sangguniang Kabataan Federation President Leonard James Galang at businesswoman na si Ma. Luisa S. Galang.
Batay sa reklamo, nagpatayo ng gasolinahan na M.S. Galang’s Gasoline Station sa Brgy. San Roque, Cabiao ang negosyanteng si Ma. Luisa S. Galang mula umano sa pondo ng bayan at pagiging kaanak ng mga local officials.
Lumilitaw na si Mayor Rivera ay ang ama ni Councilor Rav Kevin Rivera, na manugang naman ng negosyanteng si Ma. Luisa.
Si Vice Mayor Simbillo, naman ay kapatid ni Galang at ang dating SK Federation President na si Leonard James ay anak ni Ma. Luisa.
Nakapaloob sa liham ni Mayor Rivera kay Vice Mayor Simbillo at anak na si Councilor Rav Kevin Rivera, na chairman ng Committee on Finance of the Sangguniang Bayan (SB) na isama umano sa agenda ang resolusyon na nag-aapruba sa bayarin na P5,000,000 sa gasolina at langis, kuryente, tubig at iba pa para sa taong 2022.
Ayon kay Wycoco at Montano, nito lamang nila nalaman na magkakaanak pala ang kanilang mga opisyal ng bayan, kaya naman may isang transaksiyon naka-record ang kanilang nakuha na kabuuang halaga na P1,309,555.10 ay dapat bayaran sa gasolinahang pag-aari ni Ma. Luisa.
- Latest