Price freeze sa La Niña paiigtingin ng DTI
MANILA, Philippines — Ngayong papasok na ang La Niña sa bansa ay paiigtingin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang price monitoring sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Consumer Protection Group Assistant Secretary Atty. Amanda Nograles, bukod sa price monitoring ay huhulihin din nila at sasampahan ng kaso ang lahat ng mga nagsasagawa ng price manipulation at maging sa mga nagtatago ng mga produkto o hoarding.
Ayon pa kay Nograles, nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga local government units (LGUs) para sa reactivation ng Local Price Coordinating Council (LPCCs) para maging katulong ng DTI sa pagmomonitor sa presyuhan ng mga bilihin sa mga merkado.
Nakipag-ugnayan na rin aniya ang mga manufacturers sa DTI para sa voluntary price freeze sa mga basic necessities at prime commodities bilang paghahanda pa rin sa paparating na La Niña.
Idinagdag pa ni Nograles na inabisuhan na sila ng Department of Interior and Local Government (DILG) na mahigit sa 1,000 ang reactivated na LPCC at 87% na nito ang reactivated na at maaaring maging katuwang nila sa pagmomonitor ng presyuhan sa mga supermarkets, grocery store at sa mga palengke.
- Latest