Ina, 1 pa nagbenta ng beybi sa Facebook, tiklo
MANILA, Philippines — Dalawang indibiduwal kabilang ang isang ina na sangkot sa pagbebenta umano ng 8-araw na sanggol sa Facebook sa Dasmariñas City, Cavite ang naaresto.
Ayon kay PNP-WCPCO chief PCol. Renato Mercado, huli sa entrapment operation sa simbahan sa Cavite ang isang ina at broker nito na nagbenta sa sanggol sa halagang P90,000.
Nagpahayag din ng pagkaalarma si DSWD Secretary Rex Gatchalian dahil nakakamonitor sila ng mga “unauthorized adoptions” sa pamamagitan ng Facebook marketplace, kung saan ipinopost lamang ng mga magulang ang kanilang mga sanggol online para sa adoption.
May mga magulang din umanong naghahanap ng mga bata na maaampon sa pamamagitan ng social media.
Ani Gatchalian, ang pagpapaampon sa labas ng panuntunan ng National Authority for Child Care ay maituturing na krimen. Hindi aniya rason ang kahirapan upang ibenta ang mga anak.
Sa ngayon ay may nasa 20 hanggang 40 social media page kung saan nagkakaroon ng palitan ng mga sanggol.
- Latest