Batang babae ni-rape/slay, suspek patay sa pulis

Habang kinukunan ng fingerprint sa presinto ay inagaw umano ng suspek ang service firearm ng isa sa mga pulis at bago pa niya ito naiputok ay binaril na siya sa ulo ng isa pang pulis.
STAR / File

MANILA, Philippines — Isang 10-anyos na babaeng Grade 4 student ang natagpuang patay na pinaniniwalaang ginahasa pa sa taniman ng pinya kamakalawa sa Tupi, South Cotabato.

Kasabay nito, napatay naman ng mga pulis ang 44-anyos na suspek na huling nakitang kasama ng biktima.

Sa ulat ng pulisya, huling nakita ang 10-anyos na biktima, alas-5:00 ng hapon habang naglalakad pauwi galing sa eskuwelahan nitong Biyernes.

Ayon kay Tupi Police deputy chief PLt. Richard Ho, sinundo ng kanyang ama ang biktima sa paaralan, subalit sinabihan ng guwardiya na nakauwi na ito kaya umuwi na rin ang ama.

Ngunit nag-alala ang ama nang maghating gabi na ay wala pa rin ang anak.

Dito na nagsimulang  hanapin ang biktima hanggang sa matagpuan ito sa creek sa taniman ng pinya at may sugat sa mukha.

Agad naman naaresto ang suspek na kung saan ito ay dumaan sa matinding interogasyon na ang mga sagot ay hindi nagtutugma gayung ang lugar ay ilang at hindi trabahador sa pinyahan.

Habang kinukunan ng fingerprint sa presinto ay inagaw umano ng suspek ang service firearm ng isa sa mga pulis at bago pa niya ito naiputok ay binaril na siya sa ulo ng isa pang pulis.

Dinala ang suspek sa ospital, subalit idineklarang dead on arrival.

Show comments