‘Strip search’ sa lahat ng jail ng BuCor, pinatigil

Ang desisyon ay nabuo matapos ang pulong nitong Biyernes ng BuCor officials sa pangunguna ni Catapang.  Gayunman, nilinaw na ang strip search at ang pagpapa-squat lamang ang ihihinto at tuloy pa rin ang frisking o pagkapkap sa mga dalaw.
The STAR / Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines — Bilang pagbibigay daan sa ginagawang imbestigasyon at pagr­erepaso sa kanilang mga protocols, pinatigil kahapon ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Gregorio Pio Catapang Jr. ang pagpapatupad ng “strip cavity search” sa lahat ng prison and penal farm na kanilang sakop.

Ang desisyon ay nabuo matapos ang pulong nitong Biyernes ng BuCor officials sa pangunguna ni Catapang.  Gayunman, nilinaw na ang strip search at ang pagpapa-squat lamang ang ihihinto at tuloy pa rin ang frisking o pagkapkap sa mga dalaw.

Sinabi ni Catapang na welcome rin ang Commission on Human Rights (CHR) na maaaring mag­repaso sa mga itinatag na protocol at pamamaraan na ipinapatupad ng ahensya sa mga kulungan at penal farm nito.

 “If this will further improve our services to our stakeholders and the public, any technical assistance that the CHR may extend to us will be very welcome,” ani BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr.

Sinabi ni Catapang na nagpadala siya ng liham kay Focal Commissioner for Prevention Commission on Human Rights, Atty. Faydah Maniri Dumarpa, upang tiyakin sa kanya na ang BuCor ay kaisa sa layunin sa pagtataguyod ng karapatang pantao at ito ang dahilan kaya gina­gawa ang ‘searches’sa private cubicles ng parehong gender searchers,  na sumusunod sa standards ng hygiene at sanitation.

Ipinaliwanag ni Catapang na ang mga bibisita ay pinagpapaliwanagan ng gagawing bodily search at ang waiver of right ay ipinapaliwanag din kung sila ay papayag.

Sa mga dalaw na ayaw dumaan sa protocol ng BuCor, mapupunta sila sa electronics visit o “e-dalaw” habang ang mga menor-de-edad naman ay hindi kasama sa strip searches.

Ang nasabing sistema o protocol ay dati na umanong ipinatutupad bago pa man umupo si Catapang at alinsunod ito sa Mandela Rules.

Show comments