MANILA, Philippines — Matapos na magpalabas ng commitment order ang Taguig Regional TrialCourt, naipasok na rin sa New Bilibid Prison (NBP) ang negosyanteng si Cedric Lee na nahatulan ng “reclusion perpetua” sa kasong serious illegal detention for ransom na isinampa ng TV host-comedian na si Vhong Navarro.
Ito ang kinumpirma ng mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na nasa kanila nang kustodiya ang convicted na si Lee matapos i-turn over ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes ng gabi.
Ayon kay Bucor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. alas-9:00 ng gabi nang matanggap si Lee sa NBP Reception and Diagnostic Center (RDC).
Bilang standard operating procedure, mananatili si Lee sa NBP Reception and Diagnostic Center (RDC) sa loob ng 60 araw. Ang unang 5-araw ay ilalagak siya sa RDC Quarantine Cell nang walang mga pribilehiyo tulad ng pagtanggap ng mga bisita. Kasunod nito ang diagnostic procedure na kinabibilangan ng medical, sociological, psychological, educational at classification processes para sa 55 araw. tulad ng kanyang kapwa convicted, si Deniece Milinette Cornejo na may Prison Number C224P-172 at Simeon Palma Raz na may N224P-2079, at si Lee na N224P-2117.
Si Cornejo ay kasalukuyang nasa RDC ng Correctional Institution for Women, habang si Raz ay nauna lamang ng isang araw na naipasok sa RDC ng NBP.
Sina Lee, Cornejo at Raz kasama si Ferdinand Guerrero ay hinatulan ng reclusion perpetua na may katumbas na 20-40 taong pagkakakulong ng Taguig court sa nasabing kaso na isinampa ni Navarro.
Matatandaang si Lee ay hindi dumalo sa promulgation ng nasabing kaso kaya siya inisyuhan ng warrant of arrest ni Hon. Mariam G. Bien, Presiding Judge ng Taguig Regional Trial Court, Branch 153, at sa parehong araw ay sumuko siya sa NBI.