Mag-lover na trader todas sa holdap

MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang mag-live-in partner nang sila ay manlaban sa holdap habang patungo sa palengke para bumili ng kailangan sa kanilang negosyo kahapon ng madaling araw sa Brgy. Molino 3, Bacoor City, Cavite.

Kinilala ang mga nasawi na sina Elvie, 46- anyos at kinakasama nitong si Rey, 54-anyos kapwa negosyante at residente ng Town and Country West, Brgy. Molino 3, Bacoor City, Cavite.

Sa imbestigasyon ng pulisya, bago naganap ang krimen, ala-1:30 ng mada­ling araw ay sakay ng kanilang tricycle (224OLH) at nagtungo sa Zapote Market upang mamili ng mga gagamitin sa kanilang negosyong barbeque.

Habang bumabagtas sila sa Zaragosa St., ay biglang hinarang ang mga ito ng mga suspek na armado ng baril at pinagbabaril ang mag-asawa .

Narinig ng mga residente ang sunud-sunod na putok ng baril kaya’t pinuntahan ang pinanggalingan ng putok at dito ay nakitang duguang nakahandusay ang mga biktima.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na posib­leng hinoldap ang mag-live in at nanlaban ang mga ito kaya’t pinagbabaril at tinangay ang kanilang bag na naglalaman ng mahigit P40,000.

Show comments