2-araw na tigil-pasada ikinakasa ulit ng PISTON
MANILA, Philippines — Ikakasa muli ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytors Nationwide (PISTON) ang dalawang araw na tigil-pasada sa susunod na linggo.
Sa isinagawang kilos protesta kahapon ng umaga sa tapat ng Korte Suprema, kinumpirma ng grupo na plano nilang maglunsad muli ng panibagong tigil-pasada sa Abril 29, Lunes, at 30, Martes, sakaling hindi dinggin ang kanilang mga hinaing laban sa isinusulong na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Ayon sa grupo, ang naturang kilos-protesta ay lalahukan ng tinatayang aabot sa 250,000 miyembro ng PISTON sa buong bansa.
Matatandaang noong Abril 15 at 16 ay una na ring nagkasa ng tigil-pasada ang mga grupong PISTON at Manibela bunsod ng nalalapit nang pagtatapos ng April 30 consolidation deadline, na unang bahagi ng PUVMP.
Kahapon ay kinalampag ng PISTON ang Korte Suprema at hiniling na aksiyunan na nito ang kanilang petisyon na humihiling ng temporary restraining order (TRO) laban sa modernization program.
- Latest