74 pulis sa ‘990-kilo shabu ops’ sasalang sa imbestigasyon
MANILA, Philippines — Nasa 74 pulis ang sasalang sa preliminary investigation (PI) ng Department of Justice (DOJ) sa Mayo 2, 2024 kaugnay sa kontrobersiyal na pagkakasamsam ng 990 kilo ng shabu na nasa P6.7 bilyon ang halaga sa anti-illegal drugs operations sa Tondo, Maynila noong 2022.
Nabatid na nitong Biyernes, 59 lamang sa 74 na respondents ang lumutang sa PI na nakakuha ng complaints copies. Binigyan sila ng hanggang Mayo 30, 2024 para sa paghahain ng kani-kanilang counter affidavits.
Kaugnay ito sa dalawang reklamong inihain ng National Police Commission (NAPOLCOM) at ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na nag-ugat naman sa resulta ng Fact-Finding Inquiry Report na isinumite sa DOJ.
Ayon sa DOJ, ang pagtatakda muli ng PI sa Mayo 2 ay upang bigyan ng pagkakataon ang mga hindi sumipot na personal na matanggap ang nasabing complaints.
Tiniyak ni Justice Sec. Jesus Crispin “Boying” Remulla na gagawin ng DOJ ang lahat na mapalabas ang katotohanan sa isyu.
Noong Oktubre 8, 2022, nagsagawa ng operasyon ang PNP-Drug Enforcement Group (DEG) sa Brgy. 252, Tondo, Maynila sanhi ng pagkakasamsam ng may 990 kilong shabu at pagkakaraesto sa hinihinalang big-time drug pusher na si Ney Saligumba Atadero.
Sa interogasyon, itinuro ni Atadero ang lending company office na pag-aari ni Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr., nakatalaga sa NCRPO-DEG, sa Sta. Cruz, Manila, na marami pang nakatagong illegal drugs doon na naging daan sa pagkakaaresto ni Mayo noong Oktubre 9, 2022.
Nasundan pa ito ng kontrobersya nang mawala naman ang 42 kilo ng shabu mula sa 990 kilong shabu na nasamsam sa Tondo at nasa 49 pulis ang isinasangkot sa pangungupit o “pilferage incident”.
- Latest