Hanging bridge napatid: 15 estudyante nahulog sa dagat
MANILA, Philippines — Labing-limang estudyante na pawang menor de edad ang dinala sa ospital matapos silang mahulog sa dagat nang bumagsak ang Cawit hanging bridge sa Brgy. Itba, Manito, Albay, kamakalawa ng gabi.
Wala namang nasawi sa mga biktima pero ilang mga estudyante ang nasugatan dahil sa insidente habang lahat ng kanilang gamit, gadget at cellphone ay nabasa ng tubig-dagat.
Sa ulat, alas-6:00 ng gabi habang tumatawid pauwi sa Brgy. Cawit ang mga estudyante na karamihan ay mag-aaral ng Manito Community College nang biglang mapatid ang steel cable ng hanging bridge na may habang isang-kilometro dahilan para sila mahulog lahat sa dagat.
Mabilis na rumesponde ang mga residente, MDRRMC-Manito, Bureau of Fire Protection, Philippine Coastguard at Manito Police kaya nailigtas ang lahat ng mga estudyante at naisugod sa Manito Manito District Hospital. Maswerte umano ang mga biktima at nangyari ang insidente na low tide at banayad ang dagat. Ang naturang hanging bridge ang tanging kumokunekta sa mga residente patungo sa mainland Manito.
- Latest