13-anyos na babaeng estudyante binoga sa ulo
Habang papasok sa iskul
MANILA, Philippines — Isang 13-anyos na babaeng Grade 8 student ang binaril sa ulo habang naglalakad papasok sa kanyang paaralan sa Brgy. Banyaga, Agoncillo, Batangas, kamakalawa ng umaga.
Hindi na naisalba pa ang buhay ng biktimang kinilala sa alyas na Jenny, Grade 8 student ng Banyaga National High School at residente ng nasabing barangay.
Sinabi ni Police Major Broderick Noprada, Officer-in-Charge ng Agoncillo Police Station, alas-6:00 ng umaga na hindi inaakala ng mga tao na naroon sa pinangyarihan ng krimen na babarilin ng suspek ang bata na akala nila ay naghahatid lang din ito ng estudyante.
“Sa hindi malamang dahilan ay binaril niya ‘yung bata. ‘Yun nga ang akala kasi nila is parang naghahatid lang ng estudyante. Actually may isa nga dun na isang barangay tanod na nakabiruan pa ng suspek, kaso lang hindi niya masyadong namukhaan ‘yung suspek,” sabi ni Noprada.
Matapos ang krimen ay tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo.
Susuyurin naman ng kapulisan ang CCTV footage sa lugar at magsasagawa ng backtracking investigation para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.
Sinabi naman ng kapatid ng biktima na wala silang alam na nakaaway ng dalagita, at wala rin sa kanilang naikuwento.
- Latest