Fire volunteer, dedo sa sunog
MANILA, Philippines — Namatay ang isang fire volunteer nang mabagsakan ng kisame ng isang nasusunog na bahay sa San Juan City, kamakalawa ng gabi.
Naisugod pa sa pagamutan ang biktima na nakilalang si CK Oliver, 25, ngunit binawian rin ng buhay, alas-10:00 ng gabi.
Batay sa ulat ng San Juan City Bureau of Fire Protection (BFP), alas-5:00 ng hapon kamakalawa nang magsimulang sumiklab ang sunog sa Brgy. Isla Batis.
Higit 12 fire truck ng mga bumbero at fire volunteers ang rumesponde sa sunog na kung saan ay nabagsakan ng kisame si Oliver habang naglalakad na ang kanilang grupo palabas ng mga nasusunog na tahanan.
Umabot ng ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naapula, alas-8:00 ng gabi at aabot sa P1.5 milyon halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy.
Tiniyak naman na ng BFP-National Capital Region (NCR) na pagkakalooban nila ng kinakailangang mga tulong ang pamilya ni Oliver.
- Latest