BFAR chief sibak dahil sa maanomalyang P2 bilyong kontrata
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagtanggal sa serbisyo kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) National Director Demosthenes R. Escoto kaugnay ng kanyang pagkakasangkot sa sinasabing maanomalyang paggagawad ng kontrata na nagkakahalaga ng P2 bilyon para sa Vessel Monitoring System (VMS) Project noong 2018.
Sa desisyong aprubado ni Ombudsman Samuel R. Martires na guilty si Escoto sa grave misconduct.
Itinalaga ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang isang career official na si Isidro Velayo Jr. bilang officer-in-charge ng BFAR upang masiguro ang pagpapatuloy ng operasyon at implementasyon ng malalaking proyekto ng kagawaran.
Nag-ugat ang pag-asunto kay Escoto dahil sa mga maling aksiyon habang siya’y nakaupong chairman ng Bids and Awards Committee (BAC) ng ahensiya.
Ayon sa anti-graft body, humantong ang mga maling desisyon ni Escoto, bilang pinuno ng BAC, sa paggagawad umano ng pabor na kontrata sa SRT Marine Systems Solutions Ltd. (SRT)-United Kingdom.
Sinabi ng Ombudsman na malinaw na ginamit ni Escoto ang pagiging BAC chairman nito upang mapaboran sa pagkopo ng proyekto ang SRT-France at SRT-UK.
- Latest