Gazz Angels winalis ang HD Spikers

Blinangka ni Fil-Am Brooke Van Sickle ng Petro Gazz ang palo ni Jovelyn Fernandez ng Cignal.
PVL photo

MANILA, Philippines — Isang straight sets win ang hinataw ng Petro Gazz para sa kanilang ikatlong dikit na ratsada at palakasin ang pag-asa sa semifinals.

Winalis ng Gazz Angels ang minamalas na Cignal HD Spikers, 25-13, 25-18, 25-17, sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Humataw si Jonah Sabete ng 16 points mula sa 13 attacks, dalawang blocks at isang service ace para.

“Mas lumilinaw iyong daan papunta sa semis. Pero hindi pa rin naman tapos iyong eliminations, hindi pa rin kami puwedeng mag-relax.

Kailangan po naming matapos iyong eliminations nang maayos and then tingnan natin kung saan kami aabutin,” ani Remy Palma na may walong puntos.

Umiskor ng 13 mar­kers si Fil-Am Brooke Van Sickle na makakatuwang ang nagbabalik na si Fil-Am MJ Philips mula sa paglalaro nito sa South Korea.

Laglag naman ang Cignal sa 5-4 marka.

Binanderahan nina Vanie Gandler at Ces Molina ang HD Spikers sa kanilang tig-8 puntos.

Samantala, dinomina ng Chery Tiggo ang PLDT Home Fibr, 25-22, 25-16, 25-20, para sa kanilang ika-5 sunod na panalo.

Ang panalo ng Crossovers ang nagresulta sa four-way logjam kasama ang High Speed Hitters, nagdedepensang Creamline Cool Smashers at Petro Gazz Angels sa magkakapareho nilang 7-2 karta sa ilalim ng na­ngungunang Choco Mucho Flying Titans (8-1). 

Show comments