55 Chinese vessels sa West Philippine Sea namonitor ng Navy

MANILA, Philippines — Namonitor ng Philippine Navy ang limampu’t limang (55) sari-saring mga barko ng China na nakapalibot sa limang isla na inookupa ng Pilipinas sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ang inihayag ni Commodore Roy Vincent Trinidad, spokesperson ng Philippine Navy for West Philippine Sea (WPS) na namonitor noong Abril 15 ng hapon.

Ayon kay Trinidad, ang 55 Chinese ships ay kinabibilangan ng dalawang China Coast Guard (CCG) craft at 24 Chinese Maritime Militia Vessels (CMNVs) sa may bahagi ng Bajo de Masinloc na kilala rin bilang Scarborough Shoal.

Gayundin ang isang CCG ship at limang Chinese Fishing Vessels (CFVs ) malapit naman sa Ayungin Shoal, isang CCG at 19 CMMVs sa Pagasa, dalawang CMMV sa Panata Island at isa pang People’s Liberation Army Navy ship sa bahagi ng Lawak.

Ayon sa opisyal ay higit na mataas sa 45 Chinese ships na naispatan sa WPS noong nakalipas na Abril 10.

Nang matanong naman sa tila unti-unting pananakop ng China sa mga isla ng Pilipinas, sinabi ni Trinidad na simula pa noong 1990 sa paglisan ng US military base sa Subic, Zambales ay nagsimula ng maging agresibo ang China.

Idinagdag pa ni Trinidad na magpapatuloy ang Rotation and Resupply (RoRe) mission ng AFP para sa mga sundalong nagtatanod sa WPS sa kabila ng pangha-harass at pambu-bully ng China sa teritoryo ng Pinas.

Show comments