P13.3 bilyong halaga ng shabu nasabat sa checkpoint
CEBU, Philippines — Nasabat ng mga otoridad sa checkpoint ang isang pampasaherong van na may kargang bulto ng mga sako na naglalaman ng shabu na aabot sa dalawang tonelada na nagkakahalaga ng P13.3 bilyon sa highway na sakop ng Brgy.Pinagkurusan, Alitagtag, Batangas, kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat, ang bulto ng droga ay nadiskubre sa isang kulay abong van na may plakang CBM 5060 na minamaneho ni Ajalon Michael Zarate, 47.
Bandang alas-9:10 ng umaga nang maharang sa checkpoint sa nasabing lugar ang van at sa isinagawang pag-iinspeksiyon ng mga otoridad ay tinanong ang driver kung ano ang kargamento na tinatakpan ng makakapal na kulay asul na mga sako sa loob ng van.
Napansin ng mga ito at tila pamumutla ng driver kaya’t nang tanggalin ang mga sako ay tumambad sa mga operatiba ang malalaking plastic bags na naglalaman ng shabu.
Base sa inisyal screening na isinagawa ng mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na nakumpirmang ang mga nakumpiskang kulay puting epektos ay shabu na tumitimbang ng dalawang tonelada.
Ang naturang bulto ng droga ay sasailalim sa imbentaryo bago ito tulayang isailalim sa pagwasak o sunugin upang hindi na mapakinabangan pa.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang alamin kung sino ang big time drug syndicate na nasa likod ng shipment ng bulto ng shabu. — Angie dela Cruz, Ed Amoroso, Cristina Timbang
- Latest