MMDA kasado na sa tigil-pasada, ‘Magnificent 7’ ‘di sasali
MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kasado na ang kanilang contingency measures para sa isasagawang tigil-pasada ng dalawang transport group bukas, Abril 15.
Ayon kay MMDA Chairman Don Artes, tutugunan ng MMDA ang transport strike na gagawin ng mga grupong Manibela at Piston sa pamamagitan ng mga itatalagang mga sasakyan kung saan higit na maapektuhan.
“Contingency measures are in place and we will monitor particular areas where the two transport groups reportedly have members. Libreng sakay vehicles will likewise be on standby and are ready to be dispatched to accommodate those who will be affected,” ani Artes sa pulong-balitaan noong Biyernes.
Ito’y kahit nakasabay pa umano nito ang pagsisimula ng pagpapatupad ng MMDA ng regulasyon sa pagbabawal sa e-bike, e-trike, light electric vehicle, tricycles, pedicab, kariton, at kuliglig.
Inihayag naman ni Obet Martin ng grupong Pasangmasda na ang ibang transport group na bumubuo sa “Magnificent 7” ay hindi sasama sa nasabing tigil-pasada.
Ang Magnificent 7 ay binubuo ng Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), Alliance of Concerned Transport Organizations, Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines, Stop and Go Transport Coalition, at Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas.
Ayon din kay ALTODAP president Boy Vargas, hindi sila sasama sa strike at kanya ring sinabihan ang Manibela at Piston na hindi na uso ngayon ang transport strike at mag-consolidate na lamang.
Nanawagan din si Vargas sa pamahaalan na kung maaari ay ito na lamang ang magpautang sa mga driver-operator para makabili ng modernized jeep na utay-utay na babayaran pero mayroon naman aniya silang 27 buwan makaraan ang consolidation bago ang pagkuha ng modernized jeepney.
- Latest