Bulkang Taal nag-alboroto, nagtala ng 5 pagsabog
MANILA, Philippines — Patuloy ang pag-aalboroto ng Bulkang Taal sa Batangas nang makapagtala ito ng limang phreatic eruptions sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kahapon.
Ayon sa Phivolcs, ang pagsabog ay naitala mula alas -12 ng madaling araw ng biyernes hanggang alas 12 ng madaling araw ng sabado na ang pinakahuling eruption ay tumagal ng 13 minuto.
Ayon sa Phivolcs, may apat na discrete phreatic o steam-driven eruption events ang naitala sa Taal. Ang eruption events ay naitala ng Taal Volcano Network (TVN) mula 9:45 ng umaga hanggang alas 3:22 ng hapon.
May naitala ding 15 volcanic earthquakes kasama na ang 6 na volcanic tremors mula alas-12 ng madaling araw ng biyernes hanggang alas-12 ng madaling araw ng sabado na tumagal nang dalawa hanggang apat na minuto.
Nakapagtala rin ang bulkan ng pagluwa ng 9,677 tonelada ng asupre at upwelling ng mainit na volcanic fluids sa lawa ng Taal.
Sa kabila nito, nananatili sa Alert Level 1 ang status ng Taal Volcano.
Patuloy na ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island lalo na sa malapit sa Main Crater at Daang Kastila fissures. Bawal ding magpalipad ng anumang aircraft malapit sa bunganga ng bulkan dulot nang banta ng biglaang phreatic explosions, volcanic earthquakes, slight ashfall at pagluwa ng gas.
- Latest