Magpatupad ng blended learning - Gatchalian
MANILA, Philippines — Hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga punong-guro na magpatupad muna ng blended learning sa gitna ng pangamba ng mga magulang sa banta ng pertussis o whooping cough at mainit na panahon sa pagbabalik-eskwela matapos ang Mahal na Araw.
“Nais nating paalalahanan ang mga punong-guro na kung may banta sa kaligtasan ng ating mga mag-aaral, maaaring magpatupad ang mga paaralan ng blended learning lalo na’t pinangangambahan natin ang banta ng pertussis at mas mainit na panahon,” sabi ni Gatchalian.
May anim na lokal na pamahalaan sa Western Visayas ang nagsuspinde na ng klase nitong Abril 1 dahil sa init ng panahon. Nagsuspinde naman ang Iloilo City ng klase noong Abril 1 at ngayong Abril 2 mula pre-school hanggang senior high school dahil sa matinding init.
Para matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon, nakasaad sa Department of Education (DepEd) Order No. 037 s. 2022 na kasunod ng pagkansela o pagsuspinde ng mga klase, maaaring magsagawa ng modular distance learning, performance tasks, o make-up classes.
Matapos ang konsultasyon sa mga stakeholders, kabilang ang mga guro at mga mag-aaral, inurong ng DepEd ang pagtatapos ng School Year 2023-2024 sa Mayo 31 mula Hunyo 14.
- Latest