Pugot na ulo ng tao natagpuan sa ilalim ng tulay
MANILA, Philippines — Isang pugot na ulo ng tao ang natagpuan sa ilalim ng tulay sa kahabaan ng congressional road sa Barangay Cabilang Baybay, Carmona, Cavite, kamakalawa ng gabi.
Halos agnas na ang mukha ng ulong pugot na natagpuan, alas-6:30 sa ilalim ng tulay ng nasabing lugar ng isang lalaki habang nangingisda sa ilog.
Dinala ang ulo ng tao sa Cardona Funeral Homes para sa autopsy examination at nagsagawa ang Regional Forensic Unit 4A team para sa posibleng pagtutugma sa naunang natagpuang pugot na bangkay sa Barangay Lantic, Carmona City, Cavite, noong Pebrero 17.
Sinabi ni Retired Major Gen. Gilbert Cruz, executive director ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (POACC), na hinihintay na ngayon ng magkasanib na elemento ng POACC at lokal na pulisya ang resulta ng DNA test.
Magugunita na noong nakaraang dalawang linggo, isang walang ulo at hubad na bangkay ang natagpuan sa gilid ng Davilan Road sa Barangay Lantic, Carmona City na ang katawan ay may tattoo na dragon sa kanyang dibdib at nasa 5’6” ang taas.
Inihayag ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Undersecretary Gilbert Cruz na simbolo ng sindikato sa China ang dragon tattoo at hindi gawa sa Pilipinas. May pagkakaiba, kapag sinabing medyo magaspang ang tattoo ay ginawa sa ibang bansa at ang ginawa dito, kung mapapansin ninyo ay medyo makinis.
- Latest