Marcos inilatag ang bentahe ng modernized jeeps
MANILA, Philippines — Nagbigay ng paliwanag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga netizen kaugnay sa isinusulong na modernisasyon ng public utility vehicles.
Sa lingguhang vlog ng Pangulo, sinagot nito ang ilang mensahe at katanungan ng ilang netizen kung saan isa rito ay ang panawagang huwag alisin ang traditional na jeep dahil ito umano ang tatak ng Pilipino.
Sinabi ng Presidente na ginagawa lamang moderno ang mga PUV para maging bentahe ito sa mga tsuper.
Gagawin lamang aniyang electric ang mga jeep upang mas malaki ang kikitain ng mga jeepney driver dahil mas mababa ang gastos per kilometer sa electric jeep.
“Hindi po natin pinapalitan ang ating traditional na jeepney, ginagawa lang nating modern. Dahil pagkanilipat natin at gagawin nating electric ang mga ‘yan ay mas malaki ang kikitain ng ating mga nagpapasada dahil ang cost per kilometer ng mga electric na bagong modernized jeepney ay mas mababa, mas maganda nga ang kita ng ating mga nagpapasada,” saad ng Pangulo.
Mababawasan din aniya ang polusyon sa bansa dahil magiging malinis na ang usok na lalabas sa mga modernong jeep hindi tulad ng nangyayari sa ngayon na maitim ang usok at nakakadagdag sa problema sa climate change.
- Latest