Sunog sumiklab sa Mandaluyong: Mag-ina patay!
MANILA, Philippines — Kalunus-lunos ang sinapit ng isang mag-ina matapos na ma-trap at matusta nang sumiklab ang malaking sunog sa isang residential area sa Mandaluyong City nitong Biyernes ng gabi.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Mandaluyong, natabunan ng mga debris ang nasawing 81-anyos na ina, at ang 54-anyos na lalaking anak nito na kapwa hindi pa pinangalanan.
Ang sunog ay nagsimula alas-11:13 ng gabi, sa isang residential area sa Backside Street sa Barangay Vergara ng nasabing lungsod na umakyat sa ikalawang alarma.
Nabatid na nahirapan ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy dahil umano sa makipot na mga daanan kaya nadamay ang ilang kabahayan na natupok. Bandang alas-2:06 ng madaling araw ng Sabado nang idineklarang fire-out.
Tinatayang higit 100 na pamilya ang naapektuhan sa sunog at mahigit P1-milyong halaga ng ari-arian ang napinsala.
Inilikas sa Isaac Lopez Integrated School at sa barangay covered court ang mga nasunugan.
Patuloy na iniimbestigahan ang sanhi ng sunog.
- Latest