Tour guide sa ‘trekking’ swak sa bangin, patay
MANILA, Philippines — Bangkay na ng marekober ang isang lalaking tourist guide na nahulog sa malalim at mabatong bangin habang nagsasagawa ang “trekking activities” sa Tarak Ridge, Mariveles, Bataan.
Sa report ni Marty Tañagras ng Disaster Risk Reduction and Management, naganap ang insidente noong Huwebes bandang alas-10 ng gabi.
Ang biktima na tinatayang nasa 30-anyos ay tubong Tarak Ridge at nagtatrabaho bilang “guide” sa nasabing tourist spot lalo na sa mga mahilig sa trekking activities.
Nabatid na kinailangan pang gumamit ng chopper para maiahon ang bangkay ng biktima na matagumpay namang naisagawa ng rescue team nitong Sabado ng umaga.
Ayon kay Tañagras, hanggang nitong Biyernes ng gabi ay hirap ang search and rescue team na maiahon ang biktima sa kinahulugan nitong malalim na bangin at nitong Sabado ng umaga ay ipinagpatuloy ito.
Sa pahayag ng mga kasamahan ng nasabing tourist guide, may bahagi sa Tarak Ridge na tatawirin ng mga hikers kung saan umakyat sila sa Palanas.
Habang naglalakad, nagputol pa umano ng ugat ng punongkahoy ang biktima.
Gayunman, sa kamalasan ay sumamang bumagsak ang katawan ng biktima sa naputol niyang kahoy at nagtuluy-tuloy na bumulusok sa malalim na bahagi ng bangin.
Dahil sa insidente, suspendido muna ang nasabing trekking activities sa Tarak Ridge habang patuloy ang masusing imbestigasyon sa pagkasawi ng biktima.
- Latest