E-bikes, scooters planong iparehistro
Padami na nang padami - MMDA
MANILA, Philippines — Target ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO) na mairehistro ang mga e-bicycle at e-tricycle sa bansa.
“Nakikita rin kasi namin na padami nang padami…parang exponential yung pagdami nitong e-bike,” sinabi ni MMDA acting chairman Romando Artes.
Bukod dito, nais din ng MMDA at LTO na obligahin ang mga driver ng mga naturang behikulo na kumuha ng lisensiya bago payagang magmaneho.
Ayon kay Artes, nagpulong sila ng mga LTO officials upang plantsahin ang mga naturang regulasyon para sa mga naturang e-vehicles.
“We met para nga po magkaroon ng regulasyon, para habang hindi pa ganoon kadami na nakaka-obstruct na ng traffic, na yung major accidents ang nako-cause niya, ay ma-address na namin kaagad,” dagdag pa ng opisyal.
Sinabi naman ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza na isusumite nila kay Department of Transport (DOTr) Secretary Jaime Bautista ang rekomendasyon sa Lunes.
Inaasahan din aniya nilang ngayong Pebrero ay mailalabas na nila ang mga guidelines hinggil dito.
- Latest