NTF-ELCAC para sa kapayapaan at karapatang pantao
MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ni Presidential Human Rights Committee Secretariat Executive Director and Undersecretary Severo Catura ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pagsasabing isang paraan ng karapatang pantao ang mandato ng task force para makamtan ang kapayapaan at kaunlaran.
Sa ‘virtual’ na pulong-balitaan ng Integrated Communications Operations Center (ICOC), umapela si Catura sa mga media na tulungan ang pamahalaan na maiparating ang katotohanan hinggil sa papel na ginagampanan ng NTF-ELCAC.
Ayon kay Catura, marami ang sumisira sa imahe ng task force lalo na ang mga tao, o grupong kaalyado ng maling ideolohiyang pinakakalat ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Sa pagtupad aniya ng NTF-ELCAC sa mandato nito, nagawa ng task force ang mga community development, livelihood programs, at mga inisiyatibong pang-kapayapaan.
Samantala, inihayag din ni Catura ang kanyang kagalakan sa ginawang pag-salag din ng Commission on Human Rights (CHR) sa rekomendasyong iniwan ni United Nations Special Rapporteur Irene Khan na buwagin na ang NTF-ELCAC.
Ipinakita aniya ng CHR ang dedikasyon nito sa mandato at prinsipiyo ng ahensiya.
- Latest