10 pulis sibak sa illegal raid sa POGO hub
MANILA, Philippines — Sampung miyembro ng Southern Police District (SPD) ang sinibak sa serbisyo dahil sa illegal na pagsalakay at arbitrary detention sa apat na Chinese national noong Setyembre, 2023 sa Parañaque City.
Sa ulat ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) director Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., kabilang sa tinanggal sa serbisyo ay sina Police Lt. Jolet Guevarra, hepe ng District Special Operations Unit, ng Southern Police District (DSOU-SPD), Police Major Jason Quijana, Deputy ni Guevarra; Police Major John Patrick Magsalos, Station Commander ng Police Station 2, Tambo Parañaque City; Police Capt. Sherwin Limbauan; PEMS Arsenio Valle; PSSg Mark Democrito; PSSg Danilo Desder Jr.; PSSg Roy Pioquinto; PSSg Christian Corpuz at Police Cpl. Rexes Claveria.
Batay sa dismissal order na inilabas ng NCRPO nitong Pebrero 12, ang mga sinibak sa mga pulis ay kinasuhan ng Grave Misconduct; Grave Irregularity in the Performance of Duty; Grave Neglect of Duty; Conduct of Unbecoming of a Police Officer; Less Grave Misconduct at Less Grave Neglect of Duty with Certificates of Implimentation.Ang sampu ay pawang naisailalim na sa pagdinig sa NAPOLCOM.
Sinabi ni Nartatez na napatunayang nagkasala ang mga pulis nang kanilang limasin ng nasa P27 milyong pera at Rolex watch ng foreign POGO workers at ang pagtatanim ng mga baril at magazine upang ipakita na lehitimo ang kanilang operasyon. Nagkaroon din ng pang-aabuso sa pagsisilbi ng search warrant nang halughugin ang lugar na hindi sakop ng search warrant.
Pineke rin ng mga pulis ang dokumento nang hindi nila isama sa inventory ang P27 milyon at sirain ang mga CCTV sa condominium. Hindi rin pinagana ng mga pulis ang kanilang body-worn cameras.
Samantala, inaprubahan na rin ni Nartatez ang rekomendasyon sa demotion ng pito pang pulis habang suspensiyon naman ang 17 iba pa. Habang ang dalawa pang senior police officials na nadawit sa maanomalyang operasyon na sina PGen. Roderick Mariano at PCol. Charlie Cabradilla ay isasailalim naman sa administrative disciplinary proceedings matapos makakuha ng presidential clearance.
- Latest