2 opisyal sa Pasig hotel, kinasuhan sa ‘di pagbibigay ng senior citizen discount
MANILA, Philippines — Kinasuhan ng Pasig City Prosecutor’s Office (PCPO) ang dalawang opisyal ng isang hotel sa Pasig City dahil sa umano’y hindi pagbibigay ng 20% discount sa isang senior citizen sa lungsod.
Batay sa 22-pahinang resolusyon ng PCPO, sinampahan ng mga kasong paglabag sa Section 4(a)(7) ng Republic Act (RA) 9994 o The Expanded Seniors Citizens Act of 2010 at Article 116 ng RA 7394 o The Consumer Act of the Philippines, ang pangulo ng korporasyon na nagmamay-ari ng hotel, na matatagpuan sa Pasig City, gayundin ang finance director nito.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng senior citizen na si Melinda Rada.
Ayon kay Rada, hindi umano siya binigyan ng discount ng hotel management para sa kanyang pananatili doon noong Nobyembre 2022, kasama ang kanyang kapatid.
Ikinakatwiran naman ng hotel management na ang kanilang rate ay naka-promo kaya di na kuwalipikado sa discount.
Gayunman,bigo umano ang pamunuan ng hotel na makapagpakita ng ebidensiya na ang kanilang promosyon ay aprubado ng Department of Trade and Industry (DTI).
Lumiham si Rada sa hotel, na kaagad humingi naman ng paumanhin sa kanya.
Nag-alok pa ang hotel management sa complainant ng refund para sa hinihinging 20% discount at libreng overnight stay na may kasamang almusal para sa dalawang katao.
Hindi naman na ito tinanggap ni Rada, at sa halip ay hiniling sa hotel na mag-donate ng P250,000 sa anumang organisasyon ng mga senior citizen.
Hindi naman sumang-ayon dito ang hotel management.
- Latest