8 babaeng therapist na ibinenta sa kustomer, nasagip
MANILA, Philippines — Walong babaeng therapists ang nasagip habang arestado naman ang isang receptionist na nagsisilbi umanong bugaw at isang room security sa isinagawang pagsalakay ng mga otoridad sa isang wellness spa, sa Las Piñas City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang naarestong si alyas Mary, receptionist, at isang alyas Fred, security at maintenance head ng wellness spa.
Ang mga biktima ay inilipat sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-National Capital Region (NCR).
Sa ulat, ikinasa ang entrapment operation ng mga otoridad alas-12:10 ng madaling araw sa isang wellness spa sa Barangay Pamplona Dos, Las Piñas City.
Narekober ang ginamit na marked money, condom na ginamit nang nagpanggap na kliyente.
Nasamsam naman ang 3 logbook na nagdedetalye sa mga customer ng spa, 20 kahon ng condom at ang white board na may nakatalang mga alyas ng therapists.
Nakunan din ng larawan ang Business Permit/DTI/Tax Declaration ng rehistradong may-ari ng spa, at identification cards nina alyas Mary at Fred.
Sasampahan ng paglabag sa Republic Act 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003) kaugnay sa iligal na aktibidad.
- Latest