6 miyembro ng pamilya, tepok sa sunog!
Lola sinamahan lang sa pagtulog
MANILA, Philippines — Kalunus-lunos ang sinapit ng magpapamilya matapos na anim sa kanila ang patay nang sumiklab ang sunog sa bahay ng lola na kanilang sinamahan lang sa pagtulog sa Ramos Street, Brgy. Masalukot 1, Candelaria, Quezon, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol. Ledon Monte, ang mga nasawi na sina Delia Corales Cruzat, 69-anyos, at ang kanyang limang apo na sina Darline Joy Cruzat Quirrez, 21; Crissa Joy Cruzat Quirrez, 18, parehong college student; Priscess Joy Cruzat Quirrez, 16, high school student, Tristan Jino Cruzat Pola, 10, Grade 5 student at Kylie Joy Cruzat Quirrez, 9, Grade 4 student.
Bagama’t nasugatan, nakaligtas sa insidente ang 48-anyos na nanay ng apat sa mga nasawi na si Vangie Quirrez, at ang isa pang kaanak na si Edna Cruzat, 37-anyos, matapos silang makalabas sa nasusunog na bahay.
Ayon kay FO3 Melchor Macuha ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Candelaria, ang bahay na nasunog ay pag-aari ng nasabing lola at sinamahan lamang siya ng kanyang mga apo at kanilang nanay sa pagtulog nitong gabi nang mangyari ang sunog.
Sa ulat, sumiklab ang apoy dakong ala-1:00 ng madaling araw habang mahimbing na natutulog ang mga biktima sa isang kuwarto na nasa dakong likuran ng 2nd floor. Mabilis na kumalat ang apoy sa bahay na gawa sa kongkreto at kahoy.
Base umano sa puwesto ng mga labi, hindi na nagawang makalabas ang mga biktima dahil sa may grills ang bintana ng kuwarto na kinatagpuan sa kanila.
Hindi ganap na nasunog ang bahay at ayon sa BFP ay posibleng suffocation ang ikinasawi ng mga biktima sa sunog na dulot ng faulty electrical wiring.
- Latest