2 Indian national na itinuturing na terorista, ipinadeport

MANILA, Philippines — Ipinatapon na pabalik ng kanilang bansa ang dalawang Indian nationals na itinuturing na mga terorista makaraang sumailalim sa deportation procedures ng Bureau of Immigration (BI) noong Linggo, Agosto 13, 2023.

Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., pinadeport sina Manpreet Singh Gill, 23; at Mandeep Singh, 26, sa pamamagitan ng Thai Airways flight papuntang New Delhi.

Si Manpreet ay inutusang ideport dahil sa pagi­ging un­desirable alien matapos makatanggap ang BI ng im­pormasyon mula sa United States Federal Bureau of In­vestigation (FBI) na siya ay pinaghahanap sa India para sa ilang mga kaso kabilang ang unlawful activities pre­vention act, at isa sa pangunahing iniimbestigahan sa isang pagpatay sa India.

Samantala, si Mandeep ay itinuturing na undesirable dahil sa pagkukubli ng isang takas at para sa paglabag sa mga kondisyon ng kanyang pananatili sa bansa.

Inaresto ang mga nasabing dayuhan kasama ang dalawang iba pa noong Marso 7 sa Iloilo City ng mga otoridad.

Nabatid na sangkot din ang dalawa sa mga aktibidad ng terorista sa Punjab, India.

Dalawa sa kanilang mga kasama, sina Amrik Singh at Hayer Amritpal Singh, ay nadeport na noong Mayo.

 

Show comments