Sec. Remulla sumailalim sa heart bypass

This screengrab from PTV 4 stream shows Justice Secretary Jesus Crispin Remulla who faced the members of the Justice beat press corps for the first time on October 18.
PTV4 screengrab

MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Justice Secretary Crispin Remulla na sumailalim siya sa heart bypass noong Hunyo 27.

Sinabi ni Remulla, matagal na niyang nararamdaman ang bigat ng katawan na unang inakala dahil lamang ito sa kanyang sobrang timbang.

Ngunit nang nagpakonsulta sa doctor ay lumabas sa medical findings, nakita sa kaniyang angiogram na may bara ang kaniyang puso na maaaring maging sanhi ng atake sa puso.

Aminado si Remulla, 63-anyos, na 30 taon din siyang nanigarilyo ngunit itinigil na ang bisyo sa nakalipas na 13 taon.

“I have a brand new heart. But I still have to pace myself. I am restricted to walking,” ani Remulla.

Sa ngayon aniya ay sumasailalim siya sa physical therapy at hindi muna makakapunta araw-araw sa kaniyang opisina.

Iginiit ni Remulla na kahit sumailalim siya sa heart bypass ay hindi ito magbibitiw sa puwesto at patuloy na manunungkulan.

Magugunita na nitong Hunyo ay sumailalim sa 10-day Wellness leave ang kalihim para sa personal na kadahilanan.

Show comments