P8 milyon alok sa mga umatras na suspect-witness sa Degamo slay — DOJ

This undated photo shows one of the suspects in the killing of Negros Oriental Governor Roel Degamo and eight others is escorted by police prior to the filing of charges for multiple murder, multiple frustrated murder and illegal possession of firearms and explosives against them.
Romeo Marantal

MANILA, Philippines — Tig-P8 milyon bawat isa ang alok para umano bumaligtad ang mga suspect-witness sa pagpaslang kay Negros Oriental Go­vernor Roel Degamo, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

“Yun ang intelligence sa loob ng NBI (National Bureau of Investigation) na ganoon ‘yung alukan ng pera para itong mga taong ito ay bumaliktad,” saad ni Remulla sa panayam sa telebisyon.

Ang naturang halaga ay upang bawiin ng mga suspek ang nauna nilang affidavit na umaamin sa partisipasyon nila sa pagpaslang kay Degamo at pagturo kay Rep. Arnolfo Teves Jr., bilang mastermind sa pagpatay.

Giit ni Remulla na isang abogado ng isa sa mga suspek ang nag-alok umano ng naturang halaga sa mga nadakip na suspek.

Nasa pangangalaga ngayon ng NBI sina Marvin Miranda, itinuturo rin na utak sa krimen; Rogelio Antipolo Jr., Winrich Isturis, Joven Javier, Romel Pattaguan, Eulogio Gonyon Jr., John Louie Gonyon, Jhudiel Rivero, Joric Labrador, Benjie Rodriguez, at Dahniel Lora.

Idinagdag ni Remulla na hindi nagustuhan ng korte ang pagbawi ng mga suspek sa nauna nilang pag-amin sa krimen makaraang ipagpaliban ang pagbasa ng sakdal sa kanila.

Show comments